Ama ng Maute brothers, pumanaw na dahil sa karamdaman

by Radyo La Verdad | August 28, 2017 (Monday) | 2692

 

Idineklarang dead on arrival ng mga doktor sa Taguig Pateros Hospital si Cayamora Maute, ang ama ng magkapatid na Omarkhayam at Abdullah Maute na itinuturong mga lider ng teroristang grupong umatake sa Marawi City.

Matatandaang dinala si Cayamora kasama ng ilang kamag-anak sa Camp Bagong Diwa noong June 8, 2017 matapos maaresto sa Davao City.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP, dinala si Cayamora sa ospital linggo ng hapon matapos mahirapan sa paghinga. Tumaas din umano ang blood pressure niya.

Sa isinagawang medical examination kay Cayamora, napag-alamang mayroong din itong sakit na diabetes, hepatitis, at hypertension. Ayon sa mga kamag-anak ni Cayamora, ilang araw na umanong iniinda nito ang panghihina ng katawan at hirap sa paghinga.

Mula sa ospital ay dinala ang bangkay ni Cayamora Maute sa BJMP Jail Complex para masilip ng mga kamag-anak nito. Matapos nito ay dinala ang labi ni Cayamora sa isang mosque sa Quiapo Maynila para sa burial rites nito.

Agad itong inilipat sa Norzagaray, Bulacan upang ilibing sa Himlayang Liwanag ng Kapayapaan ayon sa tradisyon ng Islam.

 

(Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,