METRO MANILA – Nagrereport sa Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang iIang mga manggagawa dahil sa inoobliga na sila ng kanilang mga employer na magpabakuna.
“Sa tingin ko medyo lumalala itong problema kasi kakaunti na nga yung may mga trabaho tapos meron pang pressure mula sa mga employer na no vaccine, no work policy.” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.
Ibinahagi ng grupo sa UNTV ang text ng isang empleyado na nagsasabing siya na lamang ang hindi bakunado sa kaniyang pinapasukan.
Kinumbinsi aniya siya na magpabakuna pero hindi pa ito handa.
Sinabihan din aniya siya na kung hindi siya magpapabakuna ay hindi na muna ito makaka-duty at uunahin na ang mga nagpabakuna.
Ayon sa tagapagsalita ng ALU-TUCP na si Alan Tanjusay, tutol sila sa no vaccine, no work policy dahil hindi ito dapat ipinipilit.
Nanawagan ang grupo ng askyon mula sa Labor Deparment.
“Magsagawa agad ng inspeksyon sa mga workplaces o worksites o establishements na may mga complaints na ganito para madetermine agad ang complaint at mabigyan agad ng aksyon” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.
Ayon naman sa Employer’s Confederation of the Philippines, walang nakakarating na sumbong sa kanilang tanggapan at tinututulan din nila ng ganitong polisiya.
“Kami ang posisyon namin dyan hindi dapat gawin yun. Its against the law, wala namang pronouncement na ganun so di namin iniencourage yun” ani ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, hindi maaaring obligahin ng mga employer ang kanilang mga empleyado na magpabakuna lalo na’t kaunti pa lamang ang supply ngayon.
“Wala pong legal basis yan. Infact it is a violation of freedom of choice ng ating mga kababayan as guaranteed by the constitution you cannot compel anybody to do something against his will” ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Ayon sa DOLE, kung hindi papapasukin ang mga empleyado ay iisyuhan nila ng compliance order ang kumpanya.
At kung hindi pa rin nito papapasukin ang empleyadong ayaw magpabakuna ay dapat parin itong bigyan ng sweldo.
Sa mga nais lumapit sa DOLE, tumawag lamang sa kanilang hotline na 1348 at 1349.
(Rey Pelayo | UNTV News)