Alokasyon ng tubig sa Metro Manila, binawasan na bilang paghahanda sa mas matinding epekto ng El Niño

by Radyo La Verdad | September 1, 2015 (Tuesday) | 6227

MAYNILAD
Ibinaba na sa 38 cubic meter per second ngayong araw ang alokasyon ng tubig na magmumula sa Angat Dam mula sa 41 cubic meter per second noong nakaraang buwan

Dahil dito kinakailangan na ring magbawas ng suplay sa kanilang mga customer ang mga water concessionaire bunsod pa rin ng tumitinding epekto ng El Nino sa bansa.

Sa pagtaya ng Pagasa at National Water Resources Board, posibleng umabot pa hanggang sa February 2016 ang mararanasang matinding tagtuyot kaya’t malaki rin ang magiging epekto nito sa suplay ng tubig sa mga dam.

Kaugnay nito, inanunsyo na rin ngayon ng Maynilad at Manila Water na makararanas ng water interruption ang kanilang customer sa ilang piling lugar.

Ayon sa pamunuan ng Maynilad tinatayang nasa labing walong porsiyento ng kanilang mga customer o katumabas ng 230,000 household ang mawawalan ng tubig ng halos labing dalawang oras kada araw ngayong buwan.

Habang siyam na porsiyento naman o katumbas ng 125,500 household ng Manila Water Consumers ang makararanas ng water interruption.

kabilang sa mga lugar na maapektuhan ng water interruption ng Maynilad ang North Caloocan, Quezon City, Paranaque, Valenzuela at Cavite.

Magiging limitado rin ang suplay ng tubig sa mga customer ng Manila Water sa Quezon City, Antipolo, Taguig, Pasig at Marikina City.

Ayon sa mga Water Concessionaire posibleng sa susunod na Linggo, araw ng Huwebes magsisimula ang water interruptions.

Sa ngayon ay hindi pa matukoy ng Maynilad at Manila Water kung ano-anong mga partikular na baranggay ang maaapektuhan ng limitadong suplay ng tubig.

Nangako naman ang mga ito na agad nilang aabisuhan ang kanilang mga customer upang maagang makapagipon ng tubig.

Maaari ring bisitahin ang kanilang mga website, sa www.manilawater.com at www.maynilad.com.ph upang icheck ang schedule at mga barangay na apektado ng water interruptions. (Joan Nano / UNTV News)

Tags: ,