QUEZON CITY, Philippines – Tinukoy na ng pamunuan ng Pambansang Pulisya si Daraga Mayor Carlwyn Baldo bilang mastermind sa pagpaslang kay Ako Bicol Party list Representative Rodel Batocabe at sa police escort nito na si Orlando Diaz.
Ayon kay PNP Chief PDG Oscar Albayalde, base sa pahayag ng mga sumukong suspek at witness, mga tauhan ni Mayor Baldo ang pumaslang kay Batocabe.
“Itong mga ito are all under the payroll of the mayor as personal staff using fictitious name. This one is rebel returnee and all the rest are rebel returnee and CAFGU and all the rest are ex-military personnel,” ani PDG Albayalde.
Ang alkalde rin umano ang nag-finance sa pagbili ng baril at motorsiklo na gagamiting getaway vehicle ng mga suspek.
Unang lumutang si Emmanuel Judavar na umaming kasama sa pagpaplano sa pagpatay sa kongresista, ngunit kumalas siya sa grupo bago isagawa ang pagpatay. Si Judavar ang ginawang witness ng PNP.
Sumuko rin ang suspek na si Christopher Naval alyas Tuping, ang trusted security aide ni Mayor Baldo, na nagsabing limang milyong piso ang alok ng alkalde para patayin si Congressman Batocabe noong Setyembre. Nagbigay rin umano siya ng ₱250,000 na pambili ng baril at motorsiklo.
Maging si Emmanuel Rosello alyas Boboy na nagsilbing driver ng motorsiklo na ginawang getaway vehicle ay sumuko na rin. Sumuko na rin ang isa sa mga sinasabing gunmen na si Henry Yuson alyas Rommel at Eno. Samantala, pinaghahanap pa rin ang iba pang mga suspek na sina Rolando Arimado, Jaywin Babor at Danilo Muella.
Ayon kay Albayalde, unang binalak ng grupo na patayin si Batocabe noong Agosto nang mag-anunsyo itong tatakbo bilang alkalde ng Daraga.
“Nung August na ‘yun ang plan doon dapat (sa) pinupuntahan niya na radio station na naging pattern ni dating Congressman Batocabe”
Kaugnay nito, kinansela na rin ni Albayalde ang License to Own and Possess Firearm (LTOPF) at Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) ni Mayor Baldo. Inalisan na rin siya ng kontrol sa lokal na pulisya.
Hiniling na rin aniya nila sa Bureau of Immigration (BI) na ilagay sa lookout bulletin order si Mayor Baldo at anim pang mga suspek. Sinampahan na ang mga ito ng kasong double murder at six counts ng frustrated murder sa Department of Justice.
Sa ngayon, warrant of arrest na lamang ang hinihintay ng PNP upang maaresto ang mga ito.
(Lea Ylagan | UNTV News)
Tags: Ako Bicol Party List Representative Rodel Batocabe, batocabe, Mayor Carlwyn Baldo, murder