Alert Level System sa Metro Manila, target maibaba sa Level 3 sa susunod na Linggo -MMDA

by Erika Endraca | September 23, 2021 (Thursday) | 3824

METRO MANILA – Umabot sa 40,112 noong September 15 ang pinakamataas na bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila base sa ulat ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chaiman Benhur Abalos Jr.

Pero nito lamang September 19 ay bumaba ito sa mahigit 36,000 na lamang.

Bukod dito ay bumaba din sa 1.03 ang reproduction rate o bilis ng hawahan mula sa 1.90 noong August 15.

“It was a team effort. Ano ang tingin kong nakikita kong magandang factors dito? Number 1 yung vaccination level” ani MMDA Chaiman Benhur Abalos Jr.

Pag-uusapan naman ng Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng mga lokal na pamahalaan sa NCR kung dapat na bang ibaba ang alert level sa rehiyon.

“That’s our goal actually, that’s the goal of all the mayors of metro manila. Sana maging alert level 3 na ang Metro Manila after the pilot (test)” ani MMDA Chaiman Benhur Abalos Jr.

Sa datos ng MMDA, mahigit sa 3,000 pamilya ang sakop ngayon ng granular lockdown pero wala anilang kahit isang barangay ang nakasara kundi maliliit na bahagi lamang ng mga ito.

Ang lokal na pamahalaan ang sumasagot ng pagkain ng mga naka lockdown sa loob ng 1 Linggo.

Ang DSWD naman ang sasagot sa pagkain ng mga ito sa ikalawang linggo ng implementasyon ng alert system.

“Out of the 17 municipalities po dito sa ating NCR, nakapag preposition na po si DSWD sa 15 munisipalidad. So 2 munisipyo nalang or city ang hindi nakakakuha ng kanilang 1,000 prepositioned food packs ito ay ang Malabon at ang Pasig” ani DSWD Asec. Glenda Relova.

Ang mga lokal na pamahalaan parin ang mamamahagi ng foodpacks.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,