Alert level 4, nakataas parin sa Iraq dahil sa banta ng terorismo

by Radyo La Verdad | December 26, 2017 (Tuesday) | 11299

Nakataas parin sa alert level 4 sa Iraq. Mula pa ito noong 2014 nang lumutang ang teroristang grupong ISIS.

Ayon kay Philippine Ambassador Elmer Cato na nakabase sa Baghdad, sa ngayon aniya ay mayroon pang halos 4 na libong mga Pilipino doon na nagtatrabaho bilang mga nurse, hotel workers, mayroon ding nagtatrabaho sa mga restaurant at oil and gas sector.

Ayon kay Ambassador Cato, maraming OFW na sa Iraq na biktima ng human trafficking. Sa ngayon ay mahigpit paring ipinagbabawal ang pagpunta ng mga Overseas Filipino Worker sa Iraq.

Hinihikayat ng embahada ng Pilipinas ang mga OFW na magparehistro upang agad na masaklolohan ang mga ito kung sakaling sila ay magka-problema. Isa sa paraan para maabot ng embahada ang mga OFW ay ang social media.

Nito lamang December 22, nasagip ng Philippine Embassy si Alice Soriano Aguilan ilang minuto lang matapos nitong i-live sa facebook ang pang-aabuso sa kaniya ng kapwa nito katrabaho sa Baghdad.

Mayo pa sana uuwi ng Pilipinas si Alice subalit dahil sa nangyari ay inaayos na ng Philippine Embassy ang mga papeles nito para makabalik na ng bansa.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,