Itinaas na ngayong araw sa alert level 4 ng Police Regional Office XII ang buong General Santos matapos ang magkakasunod na pagsabog sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat, Midsayap, Gensan at North Cotabato nito nakaraang linggo.
Ayon kay PRO XII Regional Director PCSupt. Eliseo Tam Rosco, simula ngayon araw ay mas paiigtingin na nila ang pagpapatupad ng “No ID, No Entry policy sa GenSan.
Dadaan sa mahigpit na pagsusuri sa mga dumadaan sa checkpoints, mahigpit ding ipatutupad ang curfew hours.
Linggo ng umaga nang sumabog ang isang improvised explosive device na iniwan malapit sa isang botika sa National Highway, Barangay Apopong sa lungsod na ikinasugat ng walong sibilyan. Walong oras ang nakalipas, isang IED din ang sumabog sa bayan ng Midsayap sa North Cotabato.
Samantala, inilabas na ng Police Regional Crime Laboratory ang facial composite sketch ng suspek sa pambobomba sa GenSan.
Kinukonsidera naman ng PRO XI na ibang grupo ang may kagagawan sa nangyaring pagsabog sa GenSan at hindi spillover sa mga nakalipas na pagsabog sa bayan ng Isulan.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang mahuli ang mga salarin sa nangyaring pagsabog.
Nanawagan naman ang PRO XII sa publiko na maging alerto at agad ipagbigay alam sa otoridad kung may napapansin kahinahinalang bagay o tao.
( Janice Ingente / UNTV Correspondent )
Tags: alert level 4, GenSan City, Midsayap