Alegasyon ng umano’y tangkang destabilisasyon, pinabulaanan ni dating Pres. Benigno Aquino III

by Radyo La Verdad | November 28, 2017 (Tuesday) | 2554

Mariing itinaggi ni dating Pangulong Beningo Aquino III ang alegasyon na kasabwat siya ng mga grupong nagpaplanong pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.

Nilinaw ng dating Pangulo na walang anomang balak ang Liberal Party na sirain ang gobyerno. Kung mayroon man aniyang mga nagbabanta ng gulo laban sa pamahalaan  ay maaring desisyon na aniya ito ng taumbayan dahil sa mga nabigong pangako ni Pangulong Duterte.

Iginiit rin ni Aquino na walang siyang nakikitang sapat na dahilan upang magdekalara si Pangulong Duterte ng revolutionary government.

Naniniwala ang dating punong ehekutibo na mayroong mga tamang prosesong nakasaad sa batas na tutugon sa iba’t-ibang problemang kinaharap ng kasalukuyang administrasyon.

Samantala, iginiit naman ng  Malakanyang na walang ligal na basehan ngayon si Pangulong Rodrigo Duterte upang ideklara ang isang revolutionary government, ito’y matapos na mapaulat ang malakihang kilos-protestang ikinakasa ng mga grupong nagtutulak sa punong ehekutibo na ito’y ideklara kabilang na ang mga demonstrasyon sa Nobyembre a-trenta.

Ayon sa Malakanyang, walang bantang nakikita ngayon ang pamahalaan tulad ng pagpapabagsak ng administrasyon para ideklara ang revolutionary government lalo na’t nananatili pa rin ang matinding suporta ng nakakaraming Pilipino sa punong ehekutibo.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,