Alberta, Canada, inaasahang magbubukas ng mas maraming trabaho ngayong taon

by Radyo La Verdad | January 18, 2018 (Thursday) | 2845

Plano ng mga business owners na mag-hire ng mas maraming empleyado at pataasin ang kanilang investments dito sa Alberta, Canada ngayong taong 2018 ayon sa survey ng Business Development Bank of Canada o BDC.

Ayon sa BDC, inaasahang tataas ng hanggang 12% ang total investments ng Small and Medium Businesses o SME sa probinsya ng Alberta, pangalawa lamang sa British, Columbia.

Magandang balita ito, hindi lamang sa mga Canadian citizens kundi maging sa mga kababayan nating naninirahan sa Canada.

Ayon sa latest census ng Canada, mayroong mahigit sa 175,000 na mga Filipino dito sa Alberta at mayroong halos 3,000 ang naninirahan sa Grand Prairie at karatig nitong Yellowknife. Ang mga kababayan nating naninirahan dito ay kalimitang nasa engineering, medical o construction fields.

Ang pagtaas ng investments sa rehiyon ay nangangahulugan din ng pagdami ng negosyong maghahanap ng empleyado Alberta.  ayon sa BDC ito ay dahil sa naging maganda ang 2017 recover ng Alberta at naniniwala ang mga negosyo dito na tataas din ang sales ng mga ito.

Ang alberta ay isa sa mga rehiyon sa Canada na mayaman sa langis at isa sila sa naapektuhan ng pagbagsak ng presyo nito ng mga nakaraang taon na nagresulta sa layoff ng libo-libong mga empleyado.

 

( Jeffrey Reyes / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,