ALAMIN: Saan nga ba napupunta ang plastic na tinatapon natin

by Jeck Deocampo | January 30, 2019 (Wednesday) | 7088

Ayaw mo ba sa plastic?

Hindi maiiwasan na araw-araw may nakakasama tayong mga plastic sa buhay. Maaaring kaibigan o kasama sa trabaho, o di kaya, isang single-use plastic.

Ang single-use plastic ay mga plastic na ginagamit lamang nang isang beses at tinatapon na sa basurahan. Ikaw, ano at ilang plastic na ba ang nagamit mo ngayong araw?

Posibleng nakabili ka na ng kung ano-ano sa palengke ngayong araw at inilagay mo ito sa plastic o ‘di  kaya’y palamig o softdrinks, balat ng candy, lalagyan ng binili mo sa tindahan o kaya naman isang balot ng masarap na mangga.

Pero naitanong mo na ba sa iyong sarili kung saan napupunta ang plastic na tinapon mo sa kung saan-saan?

Alam niyo ba na ang tissue paper ay inaabot ng dalawa hanggang apat na linggo bago mabulok? Pero ang plastic gaya ng plastic bottles at plastic bags ay inaabot nang mahigit apat na raan hanggang isang libong taon bago mabulok o ma-decompose. Tamang-tama  sa sinasabi sa isang meme: “Bakit hindi nauubos ang mga plastic? Dahil hindi sila nabubulok.”

Ang plastic na tinatapon natin kung saan-saan ay bumabara sa mga estero, sa mga kanal, o ‘di kaya’y dumidiretso sa mga ilog at dagat na nagdudulot ng pagbaha.

Ito rin ang dahilan ng kamatayan ng ilang mga hayop na nakakakain nito gaya ng isang balyenang inakalang pagkain ang plastic, at isang pawikan na nabarahan ng isang plastic straw sa ilong.

Ayon sa United Nations Food and Agricultural Organization (UNFAO), sa taong 2050 ay mas marami nang plastic sa dagat kaysa sa mga isda.

Pumapangatlo naman ang Pilipinas pagdating sa mga bansang polluted ang karagatan sa buong mundo. Kaya nais ipanukala ng ilang mambabatas na ipagbawal ang paggamit ng mga single-use plastic.

Inumpisahan na ng pamahalaan ang rehabilitasyon ng Manila Bay, ngunit hindi pa tiyak kung kailan ito matatapos.

Ang sigurado lang ay lalong tatagal ang pagsasaayos kung hindi natin gagawin ang ating parte sa pagsagip nito.

(Mon Jocson | UNTV News)

Tags: , , ,