Alamin: Paraan kung papaano kumuha ng bagong fare matrix sa LTFRB

by Radyo La Verdad | September 23, 2022 (Friday) | 14762

Maaari nang kumuha ng updated fare matrix ang mga operator ng public utility vehicles sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kailangan lang ay pumunta ang mga PUV operator sa tanggapan ng LTFRB para magsumite ng aplikasyon para sa bagong taripa dala ang kaukulang requirements.

Kabilang dito ang latest official receipt o certificate of registration mula sa Land Transportation Office, franchise verification, kopya ng Provisional authority para sa mga hindi pa nabibigyan ng desisyon ukol sa kanilang Certificate of Public Convenience, at official receipt of payment.

Maghanda rin ng pambayad na aabot ng 570 pesos at isumite ang documentary requirements kasama ang official receipt of payment.

Pagkatapos nito ay maghintay ng dalawang araw bago bumalik sa LTFRB upang makuha ang updated fare matrix.

Bukas ang tanggapan ng LTFRB upang tumanggap ng mga request ng fare matrix o guide mula lunes hanggang sabado.

Ayon kay LFRB Chairperson Cheloy Garafil, sa ngayon ay ilan pa lang naitala ng LTFRB na nag-apply na operator para makuha ng bagong taripa.

“Usually, last day sila nag-a-apply. So, ngayon bukas na yung LTFRB para sa application ng fare matrix. So, kung gusto nila magpunta rito, they can always go here and apply para at least hindi sila magahol naman sa oras,” pahayag ni cheloy garafil, Chairperson, LTFRB.

Magiging epektibo ang taas-pasahe sa traditional at modern public utility jeepneys, public utility buses, taxi, at Transport Network Vehicle Service simula sa October 3, 2022.

Tags: ,