ALAMIN: Mga senyales ng isang major eruption ng Bulkang Taal

by Radyo La Verdad | January 15, 2020 (Wednesday) | 6991
Photo by Domcar Lagto

Bagaman mas mahina ang nararamdaman na mga pagyanig sa ngayon sa paligid ng Bulkang Taal, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), hindi ito indikasyon na humuhupa na ang aktibidad ng bulkan.

Nakataas pa rin ang alert level 4 sa Bulkang Taal, ibig sabihin nito, maaaring magkaroon ng major eruption sa mga susunod na oras o araw.

Kaya naman payo ng mga otoridad, umalis na sa danger zone.

Ngunit ano nga ba ang mga senyales sa posibilidad ng isang matinding pagsabog ang bulkan taal?

Ayon sa PHIVOLCS, isa sa pinagbabatayan nila ay ang dami at lakas ng mga volcanic earthquakes o lindol sa paligid nito. Indikasyon umano ito ng bilis ng pag-akyat ng magma mula sa ilalim ng bulkan.

“So hangga’t meron tayong malalaking volcanic earthquakes, nandiyan yung posibilidad na magkaroon tayo ng malakas na volcanic eruption,” ani Ma. Antonia Bornas, Chief, Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, PHIVOLCS.

Isa rin sa binabantayan na senyales ng PHIVOLCS ay ang sulfur dioxide na ibinubuga ng bulkang taal.

Kasama ito sa plumes o usok na lumalabas sa bunganga ng bulkan at masusukat gamit ng mga instrumento at mga kagamitan sa isang sattelite.

“So kung tumataas muli ito. Ito ay indikasyon na umaakyat na muli ang magma at nagbubuga ng sulfur dioxide habang ito ay lumalapit sa mababaw na bahaging ilalim ng bulkan,” dagdag ni Ma. Antonia Bornas, Chief, Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division, PHIVOLCS.

Sa kalagayan ng Taal ngayon, bagaman mas mahina ang pagyanig at bumaba ng kaunti ang ibinubuga nitong sulfur dioxide, hindi pa rin dapat maging kampante.

“Magkaiba yung sa ibabaw, magkaiba yung ilalim. Sa nakikita mo sa ibabaw akala mo mahina. Tama naman yun seemingly weaker. Pero ang sinasabi natin, marami pang lindol, na umaangat pa ang lupa,” ani Usec. Renato Solidum, Jr. OIC, PHIVOLCS.

Ayon pa sa PHIVOLCS, maaari lamang ibaba ang alert level ng bulkang taal kapag patuloy na bumaba ang sulfur dioxide na ibinubuga at patuloy na humihina at nawawala ang mga pagyanig sa loob ng isa o dalawang linggo.

Kaya naman payo ng phivolcs sa publiko, sumunod sa mga paalala at abiso ng pamahalaan upang hindi malagay sa panganib ang iyong buhay.

(Vincent Arboleda)

Tags: , , ,