METRO MANILA – Sa mga nagdaang State Of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte, kapansin-pansin ang ibang presentasyon at anggulo ng mga camera na nakita ng publiko.
Pero ngayon taon, may pagbabago ito dahil limitado din ang mga tauhan na nasa likod ng camera ang maaaring makapasok sa loob ng Batasang Pambansa.
Ito’y bahagi parin ng mga hakbang para maiwasan ang pakalat o hawahan ng COVID-19.
Ayon sa direktor ng program na si Joyce Bernal, naghanda na sila ng pre-recorded materials.
Kung dati ay may mga live performer na umaawit ng pambansang awit, ngayon ay kasama na ito sa mga pre-recorded material na ipe-play na lamang.
Nakahanda na rin aniya ang video conference para naman sa mga mambabatas at opisyal ng gobyerno at mga panauhin na hindi makapupunta ng personal sa SONA.
“Kapag meron kaming mga malalaking equipment na ganun kailangan ng tao. So bawas tao talaga. Siguro yung mga shots namin dadaanin nalang sa bilis ganun pero naka-planta na talaga. Kasi wala na rin yung lakad.” ani SONA Program Director Joyce Bernal.
Magkakaroon ng disinfection lalo na ngayong araw ng SONA.
Kasama sa ipatutupad na health protocol ay ang paglalagay ng mga markings sa sahig para sa physical distancing; pagsusuri ng temperatura ng mga papasok; at kahapon ay nagsagawa ng swab test para sa mga otorisadong pumasok sa Batasang Pambansa.
Ito ang Ika-5 SONA ni Pangulong Duterte at ika-82 sa kasaysayan ng Pilipinas.
Magpapatupad ng mahigpit na seguridad at maging ang mga pribadong media outlet ay hindi na makakapasok sa batasang pambansa sa araw ng SONA.
Ayon sa liderato ng kamara, isa sa pangunahing nais nilang tutukan ay ang paglalaan ng malaking pondo para sa mga program kontra COVID-19 lalo na para sa susunod na taon.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: Pagbabago sa SONA, SONA 2020