Alamin: Mga kailangang paghahanda sa bagyo

by Radyo La Verdad | September 1, 2022 (Thursday) | 30753

METRO MANILA – Tinatayang 8-10 bagyo pa ang papasok sa bansa bago matapos ang taong ito ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA).

Higit-kumulang 20 bagyo ang pumapasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kada taon.

Ang bagyo ay nagdudulot ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan na magresulta ng pagbaha.

Maaari nitong mapinsala ang mga panamim, isktraktura at makontamina ang mga inuming tubig.

Gumuho ang lupa o magkaroon ng landslide, pag-agos ng putik at storm surge na magdudulot ng matataas at malakakas na alon lalo na sa mga malapit sa dagat.

Kaya naman, paalala palagi ng mga otoridad na maiging maghanda kapag may kalamidad tulad ng bagyo.

Bago dumating ang isang bagyo, dapat palaging imonitor ang balita hinggil sa ulat panahon at mga anunsyong pangkaligtasan.

Alamin ang plano ng komunidad sa pagbibigay babala kaugnay sa paglikas o evacuation.

Suriin din ang bahay at kumpunihin ito lalo na ang mahina o sirang bahagi.

Ihanda ang GO bag na kailangan ng pamilya para sa survival. Laman nito ang pagkain na hindi madaling masira tulad ng biscuits, cookies, inuming tubig, first aid kits gaya ng band aid, gauze at iba pa.

Ilikas din sa ligtas na lugar ang mga alagang hayop. Kapag may abiso mula sa mga otoridad, mabilis na lumikas sa itinakdang evacuation centers.

Pagdating ng bagyo, manatiling kalmado, huwag na umalis ng bahay o evacuation center at makinig ng mga bagong ulat panahon. Patayin din ang main switch ng kuryente at valve ng tubig.

Gumamit ng flashlight o emergency lamp at magingat sa paggamit ng kandila o gasera. Lumayo o umiwas sa mga salaming bintana o pinto para makaiwas sa injury kapag nabasag.

Samantala, pagkatapos naman ng bagyo, maghintay ng abiso mula sa mga otoridad kung pwede nang bumalik sa tahanan. Umiwas sa mga natumbang puno, nasirang gusali at linya ng kuryente.

Huwag gumala upang hindi makaabala sa mga ginagawang emergency services o humanitarian operations. Mag-ingat sa pagsasaayos ng mga nasirang bahagi ng bahay.

Tiyakin din na walang basa o nakababad na outlet o kagamitan bago buksan ang linya ng kuryente.

At dapat itapon din ang mga naipong tubig sa mga lata, paso, gulong at iba pa para naman maiwasan na ito ay pamahayan ng lamok na sanhi ng sakit. Sa panahon ng sakuna, maging laging handa para maging ligtas, makaiwas sa malaking pinsala at hindi masaktan.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,