ALAMIN: Mga dapat tandaan sa repatriation ng mga Pilipino mula sa mga bansang apektado ng US-Iran crisis

by Radyo La Verdad | January 9, 2020 (Thursday) | 16322

Ang bansang Iraq ay nasa forced o mandatory repatriation na, ibig sabihin pwersahan nang pinalilikas ang mga Pilipino doon.

Ang mga bansa naman tulad ng Iran, Lebanon, Bahrain, Kuwait, Qatar, Saudi Arabia at United Arab Emirates ay voluntary repatriation lamang – ibig sabihin pwede silang manatili kung gugustuhin nila.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, mayroong iba’t ibang alert levels ang kada bansa base sa tindi ng banta sa sitwasyon ng lugar.

Alert level 1 ay ang precautionary phase kung saan may senyales ng gulo sa naturang bansa kaya pinag iingat ang mga Pilipino doon.

Ang alert level 2 naman ay ang ‘restriction phase’ kung saan mayroon nang totoong banta sa buhay, seguridad at ari-arian ng mga Pilipino sa naturang bansa. Habang alert level 3 naman para sa ‘voluntary repatriation phase’ kung saan mayroon nang bayolenteng paggalaw sa isang limitadong lugar. At itinataas ito sa pinakamataas na alert level — ang alert level 4, kung saan may matinding kaguluhan o ‘full-blown’ external attack’ sa isang bansa at kinakailangan na ng pwersang paglikas.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tinatayang nasa 2.1 milyong overseas Filipino workers ang nasa middle east. Maaaring doble nito ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa middle east kung kasama ang mga undocumented na mga Pilipino.

Ang Iran, tinatayang may mahigit isang libo at isang daang mga Pilipino kabilang dito ang mga OFW at mga residente.

Ayon kay special envoy to middle east Roy Cimatu, sakaling sarado na ang Baghdad at Erbil Airport, sa Amman, Jordan idadaan ang mga iuuwing Pilipino sakay ng bus mula Iraq at saka sila dadalhin sa iba’t ibang transit points katulad ng Dubai at Qatar pauwi ng Pilipinas.

Ayon naman sa DOLE, may mga itatayong alternative centers sa ilang lokasyon sa middle east kung saan sila maaaring manatili habang inaasikso ang kanilang paglikas maging ang ruta na dadaanan.

Paalala ng Embahada ng Iraq, agad nang makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa mga nais nang umuwi sa Pilipinas.

Ayon kay Philippine Embassy in Iraq Chargé-de-affaires Jomar Sadie,  bago makauwi, kailangang kumuha ng exit visa at ticket mula sa employer. Siguraduhin ding dala ang pasaporte at iba pang mahahalagang dokumento bago umalis.

Para naman sa mga walang employer, undocumented o ‘di naman kaya’y biktima ng human trafficking, payo ng Embahada, dumiretso na sa kanilang tanggapan upang matulungan sa pag-uwi kung saan maaari silang isyuhan ng travel documents. Kung sakaling hindi payagan ng employer na umalis, ayon kay sadie, tumawag na sa Embahada ng Pilipinas at sila mismo ang makikipag-usap sa employer.

Sakaling hindi naman payagan ng asawang Iranian o Iraqi national, payo ng Embahada, direktang pumunta sa kanilang tanggapan upang mapag-usapan ang prosesong gagawin.

Para sa mga Pilipinong nasa Iraq na nais humingi ng tulong, narito ang mga numerong dapat tawagan sa Embahada ng Pilipinas:

07816066822 (Jom)

07516167838 (Jerome)

07518764665 (Jobbi)

07508105240 (Richard)

Maaari ring magpadala ng mensahe  sa kanilang mga email address na baghdad.pe@dfa.gov.ph at embaphilbaghdad.secretary1@gmail.com at official facebook account na Philippine Embassy in Iraq.

Para naman sa mga Pilipinong nasa iba pang bansa sa middle east katulad ng Kuwait, Syria at Riyadh Saudi Arabia, narito ang mga numero na dapat  tawagan:

PHILIPPINE EMBASSY IN RIYADH

LANDLINE: 011-480-1918

HOTLINE: 056 989 3301

EMAIL ADDRESS: assistance@riyadhpe.com

Para naman sa mga undocumented ofws sa middle east na nais na ring umuwi, maaaring tumawag sa mga hotline ng DOLE at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang sila ay matulungan. Narito ang mga numero:

PHILIPPINE EMBASSY IN SYRIA

CONTACT NUMBER: +693 011 613 2626

EMAIL: pe.damascus@gmail.com

FB PAGE: https://www.facebook.com/PHinSyria

(Harlene Delgado)

Tags: , ,