Manila, Philippines – Magkakaiba ang epekto ng lindol sa iba’t-ibang mga lugar. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), mas mapaminsala ang lindol sa mga lugar na malambot ang lupa gaya nang kinaroroonan ng Pampanga na naapektuhan ng magnitude 6.1 earthquake sa Zambales nitong April 22.
Tinatawag iyon na “Tectonic” o paggalaw ng mga plates o mga bahagi ng lupa sa mundo. Mas malawak ang na-aabot ng pagyanig nito kumpara sa lindol na dulot naman ng aktibidad ng isang bulkan.
Sa volcanic earthquake ay ang mga nakapalibot lamang sa lugar ang nakakaramdam ng pagyanig dahil sa mga pagsabog o kaya’y kapag napuputol ang bato sa ilalim ng bulkan dahil sa init ng magma.
“Katulad noong March 11, 2011 na earthquake sa japan, yung tectonic earthquake na nangyari sa japan dito sa tohoku area umabot po sa Philippines. Actually umabot sa buong mundo at nag-occilate po yung mundo sa kalakasan ng lindol” ayon kay PHIVOLCS Senior Science Research Specialist Melchor Lasala
Maaari ring magdulot ng pagyanig ang mga landslides, pagpapasabog ng mga dinamita sa minahan o kaya’y ng nuclear explosion. Ayon sa PHIVOLCS, may magkakaiba ring direksyon ang mga pagyanig o seismic wave.
“Ang primary wave ang travel nito is up, down directions. Ito yung nararanasan natin na pagtaas at pagbaba pag lumilindol. Ang secondary wave naman ito yung sideways movement, kadalasan ito yung pinakamalakas na movement na nakakasira ng mga structures. Meron ding isang klase pa ng seismic wave na tinatawag nating mga surface wave. Kadalasang nangyayari ito sa mga lugar na kung saan ay malalambot ang lupa at nata-trap yung seismic wave at nagkakaroon ng oscillation. Ito ang nararanasan natin na parang dinuduyan tayo pag lumilindol.” ani PHIVOLCS Senior Science Research Specialist Melchor Lasala.
Sa Pilipinas ay gumagamit ang PHIVOLCS ng 10 point intensity scale na nakabase sa PHIVOLCS earthquake intesity scale.
Sa intensity 1 ay hindi mapapansin ng ibang tao sa bahay pero maaaring maramdaman ng nakahiga ang bahagyang paggalaw at bahagyang nagagalaw din ang mga kasangkapang nasa alanganing posisyon. Bahagya ring natitinag ang tubig na nasa isang lalagyan.
Sa intensity 2 naman ay mapapansin ang bahagyang pagkilos ng mga nakabiting bagay sa bahay habang kapansinpasin na ang paggalaw ng tubig na nasa isang lalagyan.
Kapag intensity 3 naman ay nararamdaman na ito ng karamihang tao na namamahinga sa loob ng bahay o gusali lalo na ang mga nasa mataas ng palapag. Maaaring makaramdam ng pagkahilo o pagkalula ang ilan.
Ang intensity 4 naman mararamdaman na ng halos lahat ng tao sa loob ng bahay at gusali at ng iba pang nasa labas.
Malakas na umiindayog ang mga nakabiting bagay habang yumayanig narin ang mga pinto at bintana. Maaaring makarinig ng mahinang ugong o dagundong mula sa kapaligiran.
Kapag intensity 5 naman ay mararamdaman na ang pagyanig ng lahat maging ng mga natutulog.
Nagkakalampagan na at ma-aaring mabasag ang ilan sa mga plato at baso habang ang ilan sa mga maliiit na kasangkapan ay nahuhulog o natutumba. Matatapon o liliguwak narin ang tubig sa lalagyan.
Mapapansin din ang pag-uga ng nakahintong sasakyan gayon din ang pagyugyog ng mga sanga at dahil ng mga puno at halaman.
Sa intensity 6 ay mawawalan na ng panimbang ang iba at ang nagmamaneho ay mararamdaman ang tila na-flatan ng gulong.
Maaari naring magbitak ang mga palitada ng mga pader at maaaring magkaroon ng ilang landslides at paggulong ng malalaking bato sa mga bulubunduking lugar. Kapansinpansin na ang pagyugyog ng mga puno.
Mapaminsala na ang intensity 7 kung saan mahihirapan ng makatayo ang mga taong nasa mataas na palapag.
Maaaring magdulot na ito ng malaking pinsala lalo na sa mga lumang istruktura. Ma-aari naring bumuka ang lupa at pagkakaroon ng landslides.
Kapag intensity 8 ay hindi na makakatayo ang mga tao at maraming malalaking gusali at tulay na ang malubang napinsala.
Maaari ring mabaluktot o mabali ang mga riles ng tren. Humihilig, gumuguho o lumulubog ang mga matataas na gusali dahil sa “liquifation” o paglambot ng lupa.
Sa intensity 9 ay may malawakang pagkasira ng mga istruktura at pagtumba ng mga poste. Mas malalakas ang pagsampa ng mga tubig sa ilog at lubang pagkasalanta naman ng mga istrukturang gawa ng tao ang scenario sa intensity 10.
“Kung yung apektadong lugar ay nandoon sa malambot na lupa or yung mga kapatagan mas mas malaki ang effect sa atin kung lumilindol kumapara sa matitigas na lupa o nandoon sa mga kabundukan” pahayag ni PHILVOLCS Senior Science Research Specialist Melchor Lasala.
(Rey Pelayo | UNTV News)
Tags: earthquake, intensity, PHIVOLCS