MANILA, Philippines – Tinututulan ng mga oil company ang kautusan ng Department Of Energy (DOE) na fuel unbundling order kung saan ipapakita nila kung paano itinatakda ang presyo sa mga produktong petrolyo.
Sa pamamagitan nito, malalaman ng publiko kung magkano ang import cost, freight cost, taxes na binabayaran ng mga oil company, refining cost, storage cost pati na rin ang tubo na pinapatong ng mga kumpanya ng langis.
Ito rin ang sasagot sa katanungan ng karamihan na kung bakit magkakaiba ang presyo sa mga gasoline station o ‘di kaya’y may pang aabuso ba sa presyuhan ng produktong petrolyo.
Subalit kamakailan ay naghain ng petisyon ang mga oil company upang ipatigil ang unbundling order.
Ang sagot ng Shell, isa sa malalaking oil company, siguradong mauuwi umano iyon sa regulasyon o pag-control sa presyo.
Sa ngayon umano ay umiiral ang oil deregulation law, kung saan walang kontrol at hindi dapat makialam ang pamahalaan kung paano pinipresyuhan ang produktong petrolyo, na tinututulan naman ng DOE.
“Meron po kasing expressed provision ang batas ang oil deregulation law section 15 na talagang nagbibigay ng karapatan at otoridad sa Secretary of Energy na humingi ng almost kahit anong impormasyon mula sa oil companies sa tingin po namin ginawa ito, ito ang disenyo ng batas para makapagbigay po ng mga rekomendasyon ang Department of Energy sa Kongreso ukol sa pagbabago o pag amyenda sa ating mga batas regarding oil prices,” ani DOE Assistant Secretary Leonido Pulido III.
Ayon naman kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, karapatan ng publiko na malaman kung paano pinapresyuhan ng mga oil company ang produktong petrolyo. Kaya naman nagdududa ang kanilang grupo sa pagtutol ng mga oil company sa fuel unbundling order.
“Publicly listed naman ang karamihan eh so, wala naman sila dapat itago eh, nirereport din nila ang kanilang profit sa SEC at sa stocks exchange ‘wag naman sana magkatotoo na ang presyo ng produktong petrolyo eh masasabi nating overpriced quote unquote o mataas pa sa dapat lamang ibenta sa consumer yun po siguro ang gusto nilang alagaan, suspetsa lang po ‘yun,” ani Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.
Nanindigan ang DOE na itutuloy nila ang pagpapatupad sa kautusan sa fuel undundbling hangga’t walang inilalabas na kautusan ang korte hinggil sa hiling na TRO.
Samantala sa ikalawa ng Hulyo ay magkakaroon ng pagdinig hinggil sa petisyon ng mga oil company na ipahinto ang fuel unbundling circular ng DOE.
(Mon Jocson | Untv News)
Tags: DOE, oil companies