ALAMIN: Anu-ano ang pangunahing dapat malaman ng mga residente sa General Community Quarantine areas?

by Erika Endraca | May 1, 2020 (Friday) | 3955

METRO MANILA – Karamihan ng mga lugar sa bansa ay sasailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) simula ngayong araw (May1).

Inilabas na ng Malacañang ang mga pangunahing kinakailangang malaman ng mga residente sa mga GCQ area upang matiyak na kahit mas maluwag ang pagpapahintulot sa paglabas ng mga tao sa kanilang mga tahanan, matitiyak pa rin ang seguridad ng mga mamamayan sa kalusugan.

Asahan na ang pagpapatupad ng minimum health standards sa lahat ng sektor gaya ng physical distancing, pagsusuot ng face masks, temperature check, paggamit ng alcohol at iba pa.

Limitado lamang sa pagpasok sa trabaho at pagbili ng kinakailangang pagkain at iba pang suplay ang paggalaw ng mga tao at bawal pa rin ang anumang gawaing may kinalaman sa leisure o paglilibang.

Ang mga kabataang may edad 0 hanggang 21 years old gayundin ang mga senior citizen na may mga matinding karamdaman, mga buntis at iba pang naninirahang kasama ng mga ito ay dapat manatili sa kani-kanilang tahanan liban na kung may matinding pangangailangan.

Balik trabaho na rin ang karamihan ng mga taong gobyerno. Bubuksan na ang public transportation subalit required ang 1-metrong layo sa bawat pasahero, bawal pa rin ang jeepney at 50% capacity lang ang pinahihintulutan sa mga bus.

Ang general rule naman: bawal ang non-essential travel mula GCQ area patungong areas na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (IECQ) at vice versa.

Papahintulutan lamang makatawid mula GCQ patungong ECQ area ang mga health worker, government officials at frontline personnel, mga magbibiyahe para sa medical at humanitarian reasons, mga bibiyahe patungong abroad, mga trabahante sa mga pinahihintulutang establisymento, mga nagbibigay ng essential goods at services, public utilities, skeleton workforce, repatriated OFW’s at returning non-ofws at iba pang residenteng may pahintulot ng national government na magbiyahe.

Mananatili namang unhampered o walang sagabal sa pagbiyahe ng mga kargamento sa pagitan ng mga ecq at gcq areas.

suspindido pa rin ang physical classes sa GCQ areas at limitado naman sa skeleton workforce ang mga unibersidad at kolehiyo gayundin sa felixible learning arrangements upang tapusin ang academic year .

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: