Aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa, umakyat na sa 13,000 ayon sa Department of Health

by Radyo La Verdad | July 11, 2022 (Monday) | 19683

METRO MANILA – Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 1,825 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa nitong weekend.

Batay sa data monitoring ng DOH, umabot na sa higit 13,000 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa mula sa 12,500 nito lamang nakaraang Biyernes (July 8).

Buwan pa ng Abril ngayong taon nang huling makapagtala ang bansa ng higit 13,000 na mga aktibong kaso ng COVID-19.

Sa bilang ng mga bagong kaso ng COVID na naitala ng ahensya, ang National Capital Region (NCR) ang nakapagtala ng pinakamataas na umabot sa 835, habang ang Cavite naman ang pumapangalawa sa bilang na 135 new COVID-19 cases.

Habang ang Iloilo at Rizal ay parehong nakapagtala ng 104 na mga bagong kaso ng COVID-19 at ang ibang mga rehiyon pa ay mas mababa naman sa bilang na 100.

Nauna nang sinabi ng Octa Research na tumaas sa 10% ang positivity rate sa Metro Manila at inaasahan ang posibleng peak ng pagtaas ng mga kaso sa ikatlong linggo ngayong buwan.

Sa kabuan, umabot na sa higit 3.7 million ang mga naging kaso ng COVID-19 sa Pilipinas simula nang magkaroon ng pandemya.

Patuloy naman ang paghikayat ng kagawaran ng kalusugan sa mga Pilipino na magpabakuna na laban sa COVID-19 lalo na ng booster dose.

Sa pinakahuling ulat ng ahensya mayroon pang nasa 40 million na mga Pilipino ang qualified na sa booster dose ang hindi pa rin nagpapabakuna.

Sa inilabas naman na video ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Sinabi nito na kabilang sa napagusapan sa unang cabinet meeting noong nakaraang Linggo ang pagpapalakas pa ng COVID-19 vaccination sa bansa.

“Napakahalaga ng booster shot lalo na ngayon tumataas nanaman ang mga kaso at ibabalik na natin ang mga estudyante sa face-to-face.” ani Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

(JP Nunez | UNTV News)

Tags: , , ,