Nakahandusay pa sa kalsada at hirap sa paghinga ng datnan ng UNTV News and Rescue Team ang rider na si Jason Ong matapos mabangga ng isang SUV ang minamaneho nitong motorsiklo sa may Cugman, Cagayan de Oro City kaninang madaling araw.
Dahil kritikal ang sitwasyon ng biktima, agad itong isinakay ng rescue team sa van upang maisugod sa ospital. Habang nasa byahe, nilapatan naman ng first aid ng grupo ang posibleng bale sa mga kamay ng biktima.
Ayon kay John Castillon na kasama sa trabaho ni Ong, biglang nag counterflow ang Toyota Innova na may plate number WUG 786 at nabangga ang motorsiklo ng biktima.
Agad tumakas ang SUV matapos ang insidente. Sinubukan pa itong habulin ni Ong pero hindi na naabutan.
Kasalukuyan ngayong ginagamot sa Capitol University Medical Center ang motorcycle rider.
Samantala, pananakit ng balakang naman ang idinadaing ng vendor na si Rojun Quintal matapos mabundol ng kotse sa may Maa, Davao City pasado alas onse kagabi.
Ayon kay Quintal, pauwi na sana siya sakay ng kaniyang bisikleta ng mangyari ang insidente.
Depensa naman ng drayber ng kotse, hindi niya napansin ang biktima dahil madilim ang lugar.
Walang tinamong sugat si Quintal subalit tumaas ang presyon nito matapos ang insidente.
Matapos makapagpahinga at bumaba ang blood pressure ay tumanggi ng magpadala sa ospital ang biktima.
( Victor Cosare / UNTV Correspondent )