Akreditasyon ng lahat ng towing companies, kinansela ng MMDA

by Radyo La Verdad | May 30, 2016 (Monday) | 2302

mmda-logo
Simula bukas ay kanselado na ang akreditasyon ng lahat ng mga towing company na nag o-operate sa EDSA at maging sa mga pangunahing lansangan na nasa ilalim ng pamamahala ng Metropolitan Manila Development Authority.

Ito ay bunsod ng napakaraming reklamo na natatanggap ng mmda laban sa mga towing company.

Mayroong apat na pung towing companies at mahigit isang daang tow trucks sa Metro Manila.

Ngunit sa ngayon ay provisional accreditation muna ang i-isyu ng MMDA sa mga ito simula June 1 habang sumasailalim sa examination at seminar ang mga tauhan ng mga towing company.

Layon ng examination at seminar na linisin ang hanay ng mga towing company at maalis ang mga abusadong towing personnel.

Ang passing grade sa examination ay 100%, sinomang hindi makakakuha ay hindi na tatanggapin ng mmda.

Bukod dito, hinikayat ng MMDA ang mga motorista na alamin ang mga towing rules upang hindi mabiktima ng mga mapagsamantalang towing company.

Kamakailan ay sinuspindi ng mmda ang Arcson Towing Company dahil sa paglabag nito sa towing procedures.

Nag trend sa social media ang reklamo ng isang motorista dahil isang tauhan ng Arcson ang sumakay sa kanyang sasakyan at dinala ito sa impounding area ng MMDA sa Pasig.

Ang mga sasakyan naman na iligal na naka park at nandoon ang mayari ay bibigyan lamang ng obstruction o illegal parking ticket.

Nagbabala naman ang MMDA sa mga naniningil ng labis na umaabot ng anim na libo hanggang sampung libo na towing fee.

Nilinaw ng MMDA na ang mga towing company ay hindi nila pagaari at walang napupuntang pera sa kanila sa mga towing service

Sa mga sumbong at reklamo tumawag sa MMDA hotline number 136.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,