Aklat at mobile applications para sa weather forecasting, inilunsad ng PAGASA

by Radyo La Verdad | June 14, 2016 (Tuesday) | 2036

MOBILE-APP-PAGASA
Maaari nang i-download ang android mobile application para sa mga impormasyon sa lagay ng panahon sa Pilipinas at mga karatig bansa.

Basta may internet connection, agad na makikita kung may bagyo na paparating sa bansa o kaya naman ay kung uulan sa isang partikular na lugar.

Kapag tuloy-tuloy ang pag-ulan, lalabas din dito ang thunderstorm advisory at rainfall warning upang agad na makalikas kung may banta ng pagbaha.

Magagamit din ito ng mga naglalayag dahil kasama sa app ang shipping forecast na makikita kung magiging maalon ang karagatan.

Sa tulong naman ng Komisyon ng Wikang Filipino o KWF, ay inilunsad din ang isang aklat na naglalaman ng mga terminong pampanahon at kaukulang paliwanag sa salitang tagalog.

Kagaya na lamang ng “southwest monsoon” na sa filipino ay habagat at ang northeast monsoon o amihan.

Kasama rin ang naging matunog na salitanoong 2013 nang manalasa sa bansa ang bagyong yolanda, ang “storm surge”.

Daluyong bagyo sa pagsasalin sa filipino na nangangahulugang malalaking alon na dala ng bagyo.

In-adopt din ang terminong weather forecasting sa wikang ingles at ginawang “weder forkasting” bilang bahagi ng titulo ng aklat.

Ayon sa KWF, hindi naman magdudulot ng pagkalito sa publiko kung may bagong mga termino.

Pagaaralan pa ng PAGASA kung isasama na ito sa mga inilalabas nilang advisory o bulletin.

Naniniwala ang KWF na dapat itong ituro sa elementarya upang sa murang edad ay agad na maunawaan ng mga magaaral.

(Rey Pelayo/UNTV NEWS)

Tags: ,