Hawak na ng Department of Justice ang report ng AMLC na naglalaman ng mga bank account na posibleng pinaglagakan ng perang nanggaling sa umano’y bentahan ng droga sa Bilibid.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre, makikita sa report ang mga naging transaksyon sa mahigit dalawampung bank account ngunit tumanggi itong sabihin kung magkano ang kabuuang transaksyon.
Ayon pa kay Aguirre, bagamat hindi direktang maiuugnay kay Senador Leila De Lima ang mga bank account, nakapangalan ito sa mga taong malalapit sa dating justice secretary.
Hindi naman aniya dapat asahang ilalagay ni De Lima sa kanyang pangalan ang pera kung sakali ngang tumanggap ito ng milyon-milyong piso mula sa mga drug lord sa Bilibid.
Posible aniyang magamit ang mga record na ito kapag nagsampa na sila ng kaso.
Dati nang sinabi ng ilang testigo sa pagdinig ng kamara na idinedeposito sa bangko ang perang napagbentahan ng droga sa utos ni Jaybee Sebastian bilang ambag umano sa senatorial campaign ni De Lima.
Sa ngayon, ayon sa kalihim, gagamitin muna ang report sa mas malawak pang imbestigasyon sa illegal drugs trade sa Blibid.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: Aguirre, AMLC report gagamiting ebidensiya laban kay Sen. De Lima