Agrikultura sa Eastern Visayas hinimok ng DA na palawigin

by Radyo La Verdad | December 4, 2020 (Friday) | 12532

Hinimok ng Department of Agriculture (DA) ang mga lokal na pamahalaan sa Eastern Visayas na palawigin pa nito ang kakayanan ng rehiyon sa pagtuklas ng mga makabagong potensyal sa agrikultura ng rehiyon upang matugunan ang ang kakulangan sa supply ng agrikultural na produkto sa rehiyon.

Sa isang pahayag ni DA Eastern Visayas Regional Executive Director Angel Enriquez nitong Martes (Dec. 1), sinabi nitong kailangan ng mga Local Government Unit (LGU) na suriing muli ang food security development plans nito at tingnan kung ano ang natatangi sa kani-kanilang komunidad na makatutulong upang umunlad ang sektor ng agrikultura.

“There is so much to be discovered in agriculture in this part of the country. The entire region is not yet sufficient for rice, but if we can consume other crops, then that would help,” ani DA Eastern Visayas Regional Executive Director Angel Enriquez.

Sa tala ng DA nasa 93.43% ang kayang isustinang palay ng rehiyon. Hindi ito sa sapat sa 559,357,303 kg na consumption requirement kung saan nasa 522,592,723 kg lamang ang naaani ng mga magsasaka taon-taon.

Bilang bahagi ng pagsisikap ng ahensya na maragdagan pa ang bilang ng rice output sa gitna ng kinakaharap na pandemya ay nakatakdang mamahagi ang regional office ng aabot sa 113,500 kasakong binhi ng palay at 253,000 naman na fertilizers sa mga magsasaka sa darating na September to March 2021 cropping season.

Ito ay nakapaloob sa Rice Resiliency Project (RRP) ng DA na layong matugunan ang maaaring maging kakulangan sa supply ng produkto agrikultural sa bansa sa gitna ng dinaranas nitong pandemya.

Ayon kay Enriquez nasa PHP 538M ang nakalaan sa Region VIII mula sa PHP 24B stimulus fund ng RRP para sa farming sector sa bansa sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan.

(Syrix Remanes | La Verdad Correspondent)

Tags: