Agriculture Sec. Piñol at NFA Administrator Jason Aquino, hindi tatanggalin sa pwesto ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 1616

Walang nakikitang dahilan si Pangulong Rodrigo Duterte para tanggalin sa pwesto sina Agriculture Department Secretary Manny Piñol at National Food Authority Administrator Jason Aquino.

Ilang mga grupo at maging mga mambabatas ang patuloy na nananawagan na magbitiw sa pwesto ang dalawa dahil bigo umanong solusyunan ng mga ito ang problema sa bigas sa bansa.

Kabilang na ang kakulangan sa suplay at kamakailan lamang ay ang pagkakadiskubre sa mga binubukbok na bigas na inangkat ng Pilipinas.

Samantala, hindi naman sang-ayon si Pangulong Duterte sa suhestyon ni Sec. Piñol na gawing mga lehitimong importer ang mga rice smuggler upang masolusyunan lamang ang pagtaas ng presyo ng bigas sa ilang lugar Mindanao.

Unang inihayag ni Sec. Piñol na naging kalakaran na sa Zambasulta area o Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na kumuha ng bigas sa mga smuggler dahil mura ito.

Ngunit natigil ito dahil sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling.

Kaya naman bigla ang naging pagtaas ng presyo ng bigas na naging dahilan pa ng pagdedeklara ng state of calamity sa ilang lugar tulad ng Zamboanga.

Muli ring binalaan ng Pangulo ang mga rice trader na sangkot sa pagtatago ng mga bigas.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,