Agreement sa pagitan ng Comelec at DemWatch ukol sa voter education sa mga Pilipino, pinirmahan na

by Radyo La Verdad | March 7, 2022 (Monday) | 5152

METRO MANILA – Nagkasundo sa pinirmahang Memorandum of Agreement (MOA) ang Commission on Elections (Comelec) at Democracy Watch Philippines nitong March 3 (Huwebes) na magkaroon ng kampanyang naglalayong turuan ang mga Pilipino sa tamang pagboto sa darating na Eleksyon 2022.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, ang voter education campaign na “Vote Right” ay kinapapalooban ng mga serye ng seminar at lecture sa mga Pilipino lalong-lalo na sa mga kabataan at sa mga indibidwal na unang beses pa lamang boboto sa halalan.

Ang nasabing kampanya ay isasagawa sa buong bansa gamit ang mga virtual platform sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang mga paaralan at non-government organizations.

Dagdag pa ni Jimenez, nararapat na magkaroon ng kaalaman ang taong-bayan ukol sa responsableng pagboto sapagkat ang pagboto sa eleksyon ay tungkulin ng mamamayang Pilipino.

Bilang partner ng Comelec ang non-government poll watchdog na DemWatch, mabibigyan ng access ang DemWatch sa mga data na kakailanganin upang maisakatuparan ang nasabing kampanya at umaasa silang marami ang maaabot ng nasabing kampanya sa pagsasagawa ng mga programa ukol sa voter education habang papalapit ang Eleksyon 2022 sa May 9.

(Judren Soriano | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,