Agnes Tuballes, itinanggi na siya ang recruiter ni Joanna Demafelis

by Radyo La Verdad | February 28, 2018 (Wednesday) | 2380

Boluntaryong sumuko sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Baguio si Agnes Tuballes matapos na makaladkad ang pangalan bilang umano’y recruiter ni Joanna Demafelis.

Itinanggi ni Tuballes na siya ang humikayat kay Joanna na magtrabaho sa Kuwait.

Ayon kay Agnes, dalawang buwan siyang naging staff ng Our Lady of Mt. Carmel E- Global noong Hulyo hanggang Agosto 2013.

Subalit umalis siya matapos na matanggap sa Hong Kong noong September 2013- 2016 bilang domestic helper sa pamamagitan naman ng Goodwill Agency.

Noong panahon na yun aniya ay nagchat sa kanya si Joanna kasama ang dalawa pang pinsan upang tulungan silang makapagtrabaho sa ibang bansa.

Binanggit niya sa tatlo ang Our Lady of Mt. Carmel E-Global recruitment agency kung saan salary deduction ang lahat ng gastos maging ang passport.

Simula aniya noon ay wala na siyang balita kung saang bansa napunta sina Joanna at kung ano na ang nangyari sa mga ito.

Matapos magtrabaho sa Hong Kong ay nagtrabaho siya sa Qatar bilang office staff sa pamamagitan naman ng JSC Global Manpower noong Hunyo 2016 hanggang Abril 2017.

Umuwi siya sa Pilipinas at nag-apply sa Madinah Manpower sa Maynila noong Hunyo 2017 at noong Agosto nang nakaraang taon, nabigyan naman siya ng lisensya bilang recruitment officer ng Al Madinah Manpower.

Kahapon, sumuko si Agnes Tuballes sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group Anti-Transnational Crimes Unit (CIDG-ATCU) sa Baguio City at ngayon ay nasa pangangalaga ng CIDG sa Kampo Crame.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,