Agnes Tuballes, iimbestigahan pa rin ng CIDG kahit na hindi direktang nag-recruit kay Joanna Demafelis

by Radyo La Verdad | March 2, 2018 (Friday) | 2428

Emosyonal na humarap sa media si Agnes Tuballes matapos na sumuko sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Anti Transnational Crime Unit

(PNP-CIDG-ATCU) noong Martes. Si Tuballes ang tiyahin at itinuturong nag-recruit kay Joanna Demafelis patungong Kuwait.

Ayon kay Agnes, lumutang siya upang pabulaan ang balita na isa siyang illegal recruiter dahil apektado na ang kaniyang pamilya.

Dagdag pa nito na nagtatrabaho na siya bilang domestic helper noon sa Hong Kong nang magpatulong sa kaniya si Joanna na makahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Itinuro niya ito sa Our Lady of Mt. Carmel dahil libre ang pagpoproseso ng passport, walang babayarang placement fee at walang salary deduction. Humingi ng tawad sa pamilya Demafelis si Tuballes dahil hindi niya inasahan ang sinapit ni Joanna sa Kuwait.

Aminado si Tuballes na may natatanggap siyang limang libong pisong komisyon sa bawat taong inirerefer nila sa Mt. Carmel.

Pero ayon kay CIDG Director Roel Obusan, hindi pa nila  itinuturing na suspek si Tuballes, subalit kasama pa rin ito sa mga iimbestigahan ng PNP.

Bukod kay Agnes, iimbestigahan din ng CIDG si Arra Migtimbang ang kontak ni Tuballes sa Kuwait, si Marissa “Mariz” Asanji Mohammad na sekretarya ng recruitment agency at ang buong Mt. Carmel recruitment agency.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,