Sinisikap ng pwersa ng pamahalaan na tapusin ang krisis sa Marawi City bago magwakas ang 60-day period ng martial law na magtatapos sa ikatlong linggo ng Hulyo, ito ang naging pahayag ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines na si Gen. Restituto Padilla Jr. sa panayam ng programang Get It Straight with Daniel Razon.
Pero ayon sa AFP, mahihirapan silang sugpuin ang terorismo sa Mindanao sakaling bawiin ang martial law sa nagpapatuloy na pagdinig nito sa Korte Suprema.
Ayon kay General Restituto Padilla Jr., nakatulong ang martial law upang mapabilis ang pag-aresto sa ilang mga suspek dahil hindi na kailangang pumila pa sa korte upang kumuha ng arrest warrant o search warrant.
Iginiit ng militar na may rebellion at invasion sa katimugang bahagi ng bansa kaya may basehan ang martial law declaration na taliwas sa paniniwala ng mga tumutuligsa rito.
Samantala tiniyak naman ng militar na nasa Marawi City pa rin si Isnilon Hapilon at hindi nila papayagang makalabas pa ang itinuturong lider ng Isis sa Pilipinas.
Victor Cosare / UNTV NEWS Reporter
Tags: martiallaw