METRO MANILA – Hindi malayong magkaroon ng mga aftershocks matapos ang isang major earthquake katulad ng magnitude 7 na tumama sa probinsya ng Abra kahapon (July 27).
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), posible pang maranasan ang aftershocks sa mga lugar na malapit sa epicenter ng lindol.
“Ang marami po talaga nyan ay first 2 to 3 days with time bababa po ang bilang in the week and pababa ng pababa pero hindi po bababa ang magnitude, minsan pasulpot sulpot tataas nanaman ng konti pero magde-decrease yan with time. Importante po yung mga susunod na mga araw para duon sa mga lugar na malapit sa episentro so yan po yung kasagsagan ng marami at malalakas na aftershock.” ani PHIVOLCS OIC, Usec. Renato Solidum.
Payo ng PHIVOLCS sa publiko, kinakailangan muna nilang suriin ang mga istraktura bago ito balikan upang maiwasan ang casualty.
Maaari itong ipasuri sa Disaster Response Unit o sa Local Government upang magkaroon ng ibayong assessment.
Kung hindi na safe and isang lugar mas mabuti pang huwag muna itong balikan lalo’t may nararanasan pa ring mga paglindol.
May panganib kasi na tuluyang gumuho ang mga nasirang gusali at mga lupa o bato na nagkabitak-bitak na.
“Ang ating advise sa mga lugar na may nasirang mga bahay at gusali ay mainspect muna, huwag munang gamitin, pangalawa yung mga lugar na may landslide dahil nagde-estabilized na yung mga lupain sa paligid nito at may mga lugar na kahit hindi nag-landslide ay may mga crack at fizzures na pwede po itong maging lugar ng lanslide lalo na kapag may aftershock pa o kaya’y may malalakas na mga ulan.” ani PHIVOLCS OIC, Usec. Renato Solidum.
Samantala, sa ulat ng Office of the Civil Defense alas-6 kagabi, umabot na sa 5 ang naitalang nasawi habang 64 naman ang sugatan. 2 sa mga nasawi ay mula sa Benguet, 1 sa Kalinga, 1 sa Abra, at 1 sa Cagayan
Samantala, patuloy namang nakikipag-ugnayan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga provincial office nito para sa update ng damage assessment at casualties.
Bagama’t ayon sa NDRRMC, magiging hamon sa ngayon ang mga lugar na walang internet connectivity.
Ayon sa NDRRMC, kumikilos na ngayon ang mga ahensya ng gobyerno para agad na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong lugar at mga residente kung saan ang quick response fund na ang gagamitin upang mapabilis ang tugon ng pamahalaan.
(JP Nunez | UNTV News)