AFP, umapela sa NPA na makiisa sa pamahalaan kasabay ng pagdiriwang ng anibersaryo ng grupo

by Radyo La Verdad | March 30, 2017 (Thursday) | 1958


Ginunita kahapon ng New People’s Army ang kanilang ika-apatnapu’t walong anibersaryo.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, magandang gamitin ng grupo ang pagkakataong ito upang ipakita ang kanilang sinseridad na makiisa sa pamahalaan.

Sa pahayag naman ng founder ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison, sinabi nitong bukas sila sa pakikipagkasundo sa pamahalaan.

Gayunman, handa silang ikuyom ang kanilang mga kamay sakaling sila’y biguin ng mga mapagsamantala.

Ayon naman kay AFP Spokesperson Padilla, mahalagang mapatunayan ng mga rebelde na ang kanilang layunin ay sa ikabubuti ng mamamayan.

Tiniyak rin ng AFP na nananatili silang naka-alerto sa mga posibleng pag-atake ng grupo.

Nakatakdang magsimula muli ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo sa Abril ngunit bago ito, nauna nang ipinahayag ng CPP-NPA-NDFP na magdedeklara ito ng ceasefire bago mag-Marso 31.

Magugunitang nasuspindi ang peace talks noong Pebrero matapos umanong atakehin at patayin ng npa ang ilang sundalo.

(Leslie Longboen)

Tags: , , ,