AFP umapela sa China na kontrolin ang mga tauhan matapos ang laser light incident

by Radyo La Verdad | February 14, 2023 (Tuesday) | 2717

METRO MANILA – Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pamahalaan ng China na kontrolin ang kanilang mga tauhan na nakapwesto sa may West Philippine Sea (WPS).

Ginawa ng AFP ang apela kasunod ng panibagong maritime incident sa may karagatang sakop ng Ayungin Shoal nitong February 6, kung saan tinutukan ng laser light ng Chinese Coast Guard ang Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa PCG nangyari ang insidente habang nagsasagawa ng rotation at resupply mission ang barko ng Pilipinas sa may karagatang sakop ng ayungin shoal.

Nang malapit na ang barko ng Pilipinas, sinasabing bigla na lamang itong tinutukan ng nakasisilaw na green laser light mula sa barko ng Chinese Coast Guard na nagdulot umano ng pansamantalang pagkabulag sa mga crew ng BRP Malapascua.

Matapos ang pangyayari napilitang magbago ng direksyon ang barko patungo sa Lawak island para ipagpatuloy ang pagpapatrolya at suporta sa BRP Teresa Magbanua na naka-istasyon naman sa Kalayaan Group of Islands.

Sa kabila ng mga hamon, nangako ang PCG na magpapatuloy ang kanilang pagbabantay at pagbibigay proteksyon sa ating karagatan at tiniyak na ipagtatanggol ang ating teritoryo mula sa sinomang umaangkin sa soberanya ng Pilipinas.

Tags: , ,