AFP, sisikaping masugpo ang Abu Sayyaf at Maute terrorist groups sa susunod na anim na buwan

by Radyo La Verdad | January 9, 2017 (Monday) | 957

joan_ano
Hindi titigil ang Armed Forces of the Philippines sa pagbuo ng mga hakbang hanggang sa tuluyang masugpo ang teroristang Abu Sayyaf at Maute group sa bansa.

Kaugnay nito muling nagtakda ang afp ng panibagong deadline upang mawakasan ang patuloy na paghahasik ng gulo at banta sa seguridad ng bansa, ang mga nasabing grupo.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sisikapin ngayon ng militar na masugpo ang mga ito sa loob ng susunod na anim na buwan ng Duterte Administration.

At upang mabigyang katuparan ang layuning ito ng pamahalaan, sisimulan na ng defense department ang pagre-recruit ng mga bagong miyembro ng militar.

Hindi man masunod ang itinakdang target, tiniyak naman ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año na magkakaroon ng significant defeat laban sa mga rebeldeng grupo.

Sa ngayon ay mas pinalakas pa ng AFP ang kanilang intelligence group upang makalap ang lahat ng mga mahahalagang impormasyon hinggil sa anumang banta ng terror attack.

Ayon pa sa AFP, sa ngayon ay mahigpit nilang binabantayan ang maute terrorist group dahil sa sunod-sunod na banta ng pagpapasabog sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas.

Noong Biyernes isang command conference ang isinagawa sa Malacañang na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang matataas na opisyal ng AFP at PNP, kung saan binigyang diin ng pangulo ang masidhing pagnanais na mawakasan na ang terroristic activities ng Abu Sayyaf sa bansa.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: