AFP, nananatiling positibo na maaabot ang target na mapuksa ang Abu Sayyaf sa loob ng 6 na buwan

by Radyo La Verdad | March 1, 2017 (Wednesday) | 2888


Nitong buwan ng Enero nang simulan ng Armed Forces of the Philippines ang all-out operations laban sa mga teroristang grupo sa mindanao kabilang na rito ang Abu Sayyaf Group.

Ayon sa Western Mindanao Command, nananatili pa ring positibo ang AFP na maaabot ang target na mapuksa ang bandidong grupo sa loob ng anim na buwan.

Lalo na at nagbigay ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na lalo pang paigtingin ang pagtugis sa ASG.

Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Colonel Cirilito Sobejana, mas kampante sila dahil ilan sa mga tinatawag na strongholds ng ASG ay nakubkob na ng militar.

Sa mga nakalipas na engkwentro ng militar sa Abu Sayyaf, gumamit ang AFP ng barricade upang hindi makatakas ang mga bandido partikular na sa mga isla na kanilang pinagtataguan.

Sinisiguro na rin nila na hanggat maaari ay may air assets tuwing nakikipaglaban ang mga sundalo.

Maingat din sila sa kanilang mga kilos at mas lalo pang pinalakas ang intelligence gathering.

Kabilang na rito ang pag-alam sa posibleng kinaroonan ng mga bihag upang hindi sila madamay sa matinding bakbakan.

Lalo rin naging determinado ang mga sundalo na puksain ang isis-linked group matapos ang ginawa nitong pagpaslang sa hostage nito na German national.

Samantala, sa ngayon partikular na sinusuyod ng mga militar ang Barangay Boanza sa bayan ng Indanan Sulu kung saan hinihinalaang itinapon ang mga labi ng German kidnap victim.

(Dante Amento / UNTV Correspondent)

Tags: , ,