AFP, nagsasagawa ng ebalwasyon at pag-aaral sa umanoy video ng mga biktima sa Samal Island kidnapping incident

by Radyo La Verdad | October 14, 2015 (Wednesday) | 1143

AFP
Isang malinaw na video na inupload sa internet ang kauna unahang patunay na buhay pa ang mga dinukot na isang Pilipina, dalawang Canadian at isang Norwegian ng mga hindi pa matukoy na armadong grupo sa isang resort sa Samal Island, Davao del Norte noong September 21.

Ipinakita sa video ang apat na biktimang nakaupo samantalang napaliligiran ng walong armadong lalaki

Sa video, umapela ang tatlong banyaga sa pamahalaan ng Pilipinas na itigil na ang military operations sa Sulu laban sa mga kumidnap sa kanila.

Una itong ini-upload sa social media madaling araw ng myerkules at nagkalat na rin sa facebook ang mga screenshot nito.

Ayon sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines, kasalukuyan silang nagsasagawa ng masusing ebalwasyon at pagsusuri sa naturang video.

Hindi pa rin tukoy ng AFP kung anong grupo, sino ang mga armadong kalalakihan at saang lugar ito kinuhanan.

Humingi rin ng pang-unawa at paumanhin sa publiko ang AFP dahil hindi ito maaaring basta-basta maglabas ng anumang impormasyon kaugnay ng insidente.

Samantala, nananatili naman ang law enforcement operations ng mga militar at pulisya sa Mindanao pati na sa Sulu.

Naninindigan din ang Armed Forces of the Philippines na hindi sila gumagawa ng anumang pakikipagnegosasyon sa mga grupong gumagawa ng ganitong mga krimen.

Samantala, sa kabila ng panawagan ng 3 dayuhan at isang pinay na biktima ng kidnapping sa Samal na itigil ang operasyon laban sa kanilang mga abductor, desidido pa rin ang PNP na ituloy ang paghabol sa mga kidnapper.

Ayon sa tagapagsalita ng PNP, mandato ng Philippine National Police na hanapin ang mga kriminal at iligtas ang mga bihag. ( Rosalie Coz / UNTV News)

Tags: