Pinaigting ng Armed Forces of the Philippines ang kanilang operasyon kasunod ng pamumugot ng bandidong Abu Sayyaf Group sa Canadian hostage nito na si Robert Hall.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Major Filemon Tan Jr., nagpapatuloy ang operasyon ng militar sa mga bulubunduking bahagi ng Sulu.
Aniya, naglunsad ng intensified law enforcement operation ang kanilang tropa upang maisalba ang buhay ng mga natitira pang hostage.
Kasabay nito ang paghahanap sa katawan ng biktima matapos marekober ang ulo nito sa harapan ng Jolo Cathedral noong Lunes ng gabi.
Sinabi ni Tan na hindi lamang sila nakafocus sa dalawang natitira pang hostage sa Samal Island kidnapping kundi pati na rin sa iba pang mga bihag ng bandidong grupo.
Sa ngayon ay nasa Sulu si Pangulong Benigno Aquino III upang makipagpulong sa mga opisyal ng AFP at PNP kaugnay sa sitwasyon sa nasabing lugar.
(Ara Mae Dungo / UNTV Radio Correspondent)
Tags: Abu Sayyaf Group, AFP, Canadian hostage, intensified law enforcement operation, Robert Hall