AFP, naghahanda sa isang malaki at huling digmaan laban sa teroristang Maute

by Radyo La Verdad | August 29, 2017 (Tuesday) | 3048

Umakyat na sa mahigit 600 ang napapatay na terorista sa nakalipas na 97 araw na bakbakan sa Marawi City.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Eduardo Año, nasa 40 na lamang ang natitirang terorista sa lungsod kayat positibo silang matatapos na ang laban.

Subalit kailangang paghandaan ang isang malaking digmaan sakaling maghiganti ang Maute sa pagkamatay ng kanilang tatay.

Sinabi pa nito na naniniwala silang apektado din ang Maute brothers, ang tumatayong lider ng mga ito sa pagkamatay ng kanilang ama na si Cayamora Maute.

Sa kabila nito, inamin ni Gen. Año na nalulungkot din sila sa sinapit ni Cayamora Maute na marami pa sana aniyang dapat na haraping kaso kaugnay sa Marawi rebellion.

Samantala, nasa 300 gusali na lamang ang kailangang i-clear ng mga sundalo sa Marawi.

Nabawi na rin nila ang Marawi Police Station bukod pa sa grand mosque sa lungsod.

 

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

 

 

 

Tags: , ,