AFP, naghahanda na sa pagpapalibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos

by Radyo La Verdad | August 8, 2016 (Monday) | 1541

ROSALIE_AFP
Natanggap na kahapon ng Armed Forces of the Philippines ang memorandum order mula kay Defense Sec. Delfin Lorenzana para sa interment ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ang memorandum order ay alinsunod sa verbal order ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 11, 2016 na mailipat na sa Libingan ng mga Bayani ang labi ng dating pangulo.

Ayon kay Director Arsenio Andolong, Chief Public Affairs Service and Spokesperson ng Department of National Defense, sila ang naatasang suriin kung alinsunod sa regulasyon ang gagawing pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Sa ngayon ay wala pang nakatakdang araw kung kailan isasagawa ang libing.

Tinututulan naman ng ilan ang hakbang na ito ng pamahalaan.

Batay sa pahayag ni Vice President Leni Robredo, posibleng lalo lamang lumalim ang sugat ng mga human rights victim dahil dito.

Nais naman ni Sen. Franklin Drilon na muling pag-aralan ni Pang. Duterte ang kaniyang naging pasya.

Ilang kongresista naman ang suportado ang planong ito ng Administrasyong Duterte.

(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)

Tags: , ,