AFP, magsasagawa ng special investigation sa nangyaring misencounter sa Samar na ikinasawi ng 6 na pulis

by Radyo La Verdad | June 26, 2018 (Tuesday) | 2791

Bumuo ng sariling investigating body ang Philippine National Police (PNP) matapos na malagasan ng anim na tauhan at pagkasugat ng syam na iba pa sa misencounter sa Sitio Lunoy, Brgy. San Roque Sta. Rita, Samar kahapon ng umaga.

Ayon kay PNP Spokesperson PSSupt. Benigno Durana, ito ang agad na ipinag-utos ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde upang malaman ang totoong nangyari sa misencounter.

Una ay ang board of inquiry na pamumunuan ni Directorate for Integrated Police Operations Eastern Visayas Chief PDir. Roland Felix. Miyembro nito ang executive officer ng DIDM and directorate for operations, opisyal mula sa CIDG at secretary.

Kasama rin ang hepe ng Regional Intelligence Unit at hepe ng CIDG ng PRO8. Habang ang binuong Special Investigation Task Group ay pamumunuan ng regional director ng PRO8 na si PCSupt. Mariel Magaway.

Walang ibinigay na deadline sa grupo ngunit kasama sa iimbestigahan nila ay ang sinasabi ni MGen. Raul Farnacio na luma o outdated at hindi ka-match ng kanilang Harris communication equipment ang radyong gamit ng mga pulis kaya pumalpak ang koordinasyon.

Aalamin din kung totoong pinamumunuan o may kasama silang opisyal sa operasyon. Panawagan naman ng Malacañang na hayaan munang umusad ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, tatanggap ng tig 500 libong pisong special financial assistance bawat isa ang namatay na pulis, habang 250 libong piso naman sa malubhang nasugatan at 100 libong piso sa nagtampo ng minor injuries.

Bukod pa ito sa nasa 450 libong piso na generous assistance allownace para sa pamilya at 2,400 yearly allowance mula sa PhilHealth para sa mga nasugatan.

Nagpahayag din ng pakikiramay ang pamunuan ng PNP sa pamilya ng mga nasawi at nangakong ibibigay lahat ng tulong sa pamilya ng mga ito at sa mga nasugatang tauhan.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,