Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin ibinabalik o ipinipresinta ng Armed Forces of the Philippines sa korte ang sumukong si Lt. Col. Ferdinand Marcelino.
Ito’y kahit na noong isang araw pa ito hawak ng provost marshall.
Ayon kay AIDG Legal and Investigation Division Chief PSupt. Enrico Rigor, kung gugustuhin ng korte ay maaaring kasuhan ng obstruction of justice at contempt ang AFP sa di pagsusuko sa isang wanted na may warrant of arrest lalo na kung matatapos ang sampung araw na itinakda ng batas.
Sinabi pa ni Rigor na malabo ding aprubahan ngayon ng korte ang hiling ng AFP na kunin ang custody ni Marcelino dahil hindi pa nila ibinabalik ang warrant sa issuing court.
Kaya naman, sa Manila City Jail ito nakatakdang ikulong base na rin sa kautusan ng korte at hindi sa AFP Custodial Center gaya ng nais ng AFP.
Wala rin aniyang law enforcement power ang AFP tulad ng PNP, NBI at PDEA.
Dagdag pa ng opisyal, kung tutuusin, mas tama ang prosesong ginawa ng chinese na si Yan Yi Shou nang sumuko ito kahapon sa National Bureau of Investigation na may law enforcement function.
Matatandaang nahuli sina Marcelino at Yan Yi Shou sa celadon residences sa Sta. Cruz, Manila na ginawang shabu laboratory, madaling araw ng Jan. 21 kung saan nakuha ang mahigit sa 380 milyong pisong halaga shabu.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)
Tags: AFP, maaaring kasuhan kung hindi isusuko si Lt. Col. Marcelino sa korte, PNP-AIDG