Inamin ni AFP Chief of Staff General Eduardo Año na inirekomenda nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-extend ang batas militar dahil sa sitwasyon sa Marawi City at Mindanao.
Ngunit tumanggi itong banggitin ang iba pang detalye tungkol sa kanilang rekomendasyon at kung gaano ito kahaba.
Ayon kay Gen. Año, bahagi lang ang isinumiteng recommendation ng militar sa mga pinagbatayan ng proposal ng pangulo hinggil sa martial law extension.
Sinabi rin ni General Año na oras na matiyak na balik na sa normal ang sitwasyon sa Mindanao, sila mismo ang magrerekomendang i-lift na ang martial law.
Muli namang binigyang-diin ng heneral na makakatulong ang pagpapatupad ng martial law sa Mindanao hindi lang sa pagtapos ng suliranin sa Marawi at iba pang local terrorist groups sa Mindanao kundi maging sa rehabilitation efforts ng pamahalaan sa Marawi City.
Sa huli, iniulat ni General Año na nasa 800 pa ang pwersa ng Maute-ISIS inspired group na nakakalat sa Mindanao samantalang nasa 60 hanggang 70 naman sa kanila ang nasa Marawi City.
(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)