AFP, humingi ng hanggang dalawang linggo para matapos ang bakbakan sa Marawi

by Radyo La Verdad | October 3, 2017 (Tuesday) | 2432

Nasa 50 terorista pa ang hinahabol ng mga sundalo sa 8 hanggang 9 ektaryang highly urbanized area sa Marawi City.

Subalit kumpiyansa ang AFP na matatapos na nila sa loob ng dalawang linggo ang bakbakan. Sa kabila nito, humingi ng pang unawa  ang AFP sa publiko.

Bagamat nauna ng sinabi ni DND Secretary Delfin Lorenzana noong nakaraang linggo na posibleng matapos na ang bakbakan sa Marawi City sa loob ng tatlong araw.

Sinabi pa ni Arevalo na mahina na ang pwersa ng mga terorista at nararamdaman na rin aniya ng mga ito ang pwersa ng pamahalaan.

Lalo’t  lumiliit na aniya ang lugar na pinagtataguan ng mga ito dahil nabawi na ng mga sundalo ang maraming pinagkutaan ng grupo.

Maging ang mga bihag tulad ng pari na si Chito Soganub ay nabawi na rin nila bukod pa sa mga sumurender na kalaban.

Base sa tala ng AFP nasa 749 nang terorista ang napapatay, at, 795 na armas na ang kanilang nakukumpiska. Habang nasa 47 na sibilyan naman ang nasawi at 155 sa tropa ng pamahalaan.

 

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,