AFP, hindi na magbibigay ng anomang pahayag kaugnay ng isyu sa amnesty ni Sen. Trillanes

by Radyo La Verdad | September 10, 2018 (Monday) | 2646

Iginagalang ng Armed Forces of the Philippines ang kapangyarihan ng Korte Suprema at nagpapasakop dito kaugnay sa pagtalakay sa petisyon ni Sen. Antonio Trillanes IV na ipawalang bisa ang Proclamation 572 ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, sa isang pahayag ay sinabi ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez na hindi na magbibigay ng anomang pahayag ang militar tungkol sa kaso.

Umaasa ito na ganito rin ang gagawin ng iba pang panig na sangkot sa isyu, pinabulaanan naman nito ang mga umano’y napapabalitang pagkakabaha-bahagi sa hanay ng mga militar at sinabing mananatiling buo ang AFP bilang isang organisasyon.

Nagbabala rin ito sa mga tao at grupo na nagtatangka umanong pagwatak-watakin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga intriga.

Pinaalalahanan naman nito ang mga lahat ng mga tauhan ng sandatahang lakas na huwag makialam sa partisan politics. Dapat aniyang manatili ang katapatan ng mga ito sa konstitusyon at sumunod sa batas at chain of command.

Ang sinomang sasaway dito ay mananagot at ang mga personnel na mai-involve sa isyu ay agad na aalisn sa pwesto at sasailalim sa imbestigasyon.

Ayon sa heneral, itutuloy ng General Court Martial ang pagdinig sa kaso ni Trillanes kung saan ito nahinto ng lagdaan ang Presidential Proclamation 75 na nagbibigay ng amnestiya kay Sen. Trillanes.

Ngunit hihintayin muna nila ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng merito ng Presidential proclamation ni Pangulong Rodrigo Duterte na para naman sa revocation ng amnesty ng senador.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,