AFP, handang tulungan ang mga drug dependent na magbagong buhay

by Radyo La Verdad | July 26, 2016 (Tuesday) | 1300

JOAN_AFP
Umaabot na ngayon sa mahigit isang daang libong drug users at pushers ang boluntaryong sumusuko sa mga otoridad bunsod ng pinaigting na kampanya laban sa iligal na droga sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa ang Quezon City Drug Rehabilitation and Treatment Center o Tahanan, sa mahigit apatnapung drug rehab na accredited ng Department of Health.

Mula sa 150- bed capacity ng Tahanan Center, sa kasalukuyan ay nasa 146 na ang nakaadmit na pasyente rito.

Bukod pa,ang nasa mahigit apat na pung drug addict na sa ngayon ay nasa waiting list parin at naghihintay na mabakante ang ilang slot sa center.

Bunsod nito, nagsumite na ang Tahanan Center ng kanilang aplikasyon sa DOH na humihiling ng karagdagang bed capacity at bilang ng mga personnel, upang magamot ang mas marami pang mga pasyente.

Sa unang SONA ni Pangulong Duterte kahapon, sinabi nito na kabilang sa kanyang mga prayoridad na magawa ang pagsusulong ng drug rehabilitation program ng pamahalaan.

Plano ng pangulo na gamitin ang ilang kampo at pasilidad ng mga militar bilang mga alternatibong drug treatment center.

Bagaman batid ng AFP na hindi sila eksperto sa drug rehabilitation, handa ang grupo na ibahagi ang ilan sa kanilang military training, upang matulungan ang mga drug dependent na makapagbagong buhay.

Nanawagan naman ng suporta ang AFP, sa ilang ahensya na makatutulong upang ma-isakatuparan ang hangarin ng pangulo na matutukan ang drug rehabilitation program ng kasalukuyang administrasyon.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,