AFP Chief Gen. Iriberri, hinamon ang mga umaakusa sa afp na patunayan ang kanilang alegasyon hinggil sa lumad killings

by Radyo La Verdad | September 11, 2015 (Friday) | 1510

ROSE_IRIBERRI
Muling iginiit ng tagapanguna ng AFP na si General Hernando Iriberri na madali lang gumawa ng akusasyon laban sa Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas kaugnay ng nangyaring pamamaslang sa mga Lumad sa Surigao del Sur kamakailan.

Aniya, layon lang ng ibang sirain ang imahe ng institusyon.

Subalit mariin niyang itinanggi ang mga paratang at ipinahayag na wala itong ebidensya at katotohanan.

Ayon sa mga human rights group tulad ng karapatan, magahat-bagani ang nasa likod ng pamamaslang at militar ang nagsanay at nagbigay ng armas sa nasabing paramilitary force.

Subalit, ilang beses na sinasabi ng AFP na tanging Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU ang paramilitary unit ng AFP.

Kamakailan, nahuli ang mga itinuturong suspek sa pamamaslang at sila’y miyembro umano ng magahat, isa sa maraming tribong naninirahan sa lugar.

Sa ngayon, suportado ng AFP ang ginagawang imbestigasyon ng PNP kaugnay ng mga napaulat na karahasan sa mga Manobo sa Surigao del Sur.

Tinutugis na rin ng AFP ang mga armed groups sa nasabing lugar.(Rosalie Coz/UNTV Correspondent)

Tags: ,