Muling dumagundong ang Mall of Asia Arena sa pagparada ng labingdalawang koponang kalahok sa ikawalong season ng Liga ng Public Servants ang UNTV Cup!
Ayon sa may konsepto ng liga, na si Mr. Public Service Kuya Daniel Razon, sa nakalipas na pitong season umabot na sa mahigit limampung milyong piso ang naitulong ng torneo sa napiling beneficiaries ng bawat koponan.
“Ito po ang liga na yung mga participating teams wala silang binabayarang bond. Wala din po silang binabayarang joining fee. Unlike any other league kung mababalitaan nyo po yung iba’t-ibang mga liga na sinasalihan ngayon mayroon silang mga joining fee, meron po dyan 20 million para makasali, meron pong 50 million para makasali. Hindi po ang UNTV ang pumipili kung sino ang charity o charitable institutions na kanilang pagbibigyan ng kanilang mapapanalunan,” dagdag ni Kuya Daniel Razon, CEO of BMPI-UNTV.
Ikinatuwa naman ng pangunahing katuwang ng UNTV sa mga public services tulad ng UNTV Cup na si Bro. Eli Soriano ng Members Church of God International (MCGI) ang pagsuporta ng bawat koponan sa adhikain ng paggawa ng mabuti sa pamamagitan ng basketball.
Sinabi ni Bro. Eli Soriano , Overall Servant, MCGI, “Ang aming dalangin sa Dios sana lahat ng participating teams magkaroon kayo ng suwerte sa buhay, one way or the other pagpalain ng Dios ang inyong pamilya, ang inyong mga sangbahayan, mahal sa buhay dahil sa iyong effort na makatulong sa paggawa ng kabutihan sa kapuwa.”
Samantala, ipinamalas ng three-time champion AFP Cavaliers ang kanilang bangis nang payukurin ang PITC Global Traders sa opening game kagabi sa score na 90-70.
Umpisa pa lang ng ballgame ay binomba na ng opensa ng Cavaliers ang Global Traders. Mapa-outside shooting o sa paint area man, hindi nagpatinag ang AFP. Samahan pa ng mahigpit na depensang tila nagsasabi kaya nilang idepensa ang championship title.
“In time makaka recover yan , alam mo naman noong nakapukpok sila nakahabol, so even they are the defending champion alam namin kaya namin, we have to begiven some time to recover from everything makapag ensayo kami ng maayos,” ayon kay Headcoach,PITC Global Traders, Victor Ycasiano.
Best players of the game sina Jerry Lumongsod na may 16 points at Wilfred Casulla Junior na may 15 points at 12 rebounds.
Nanguna naman sa PITC sina Rod Vasallo at Marlon Martin na may tig-labingwalong points, at Undersecretary Dave Almarinez na may 13 points.
Hinati sa dalawang grupo ang labing dalawang koponan. Magtutuos ang magkakagrupo sa pamamagitan ng round robin para sa first round eliminations. Ang panlima at pang-anim na pwesto sa Group A at B ang mae-eliminate matapos ang tiglimang laban.
Magsasanib naman ang natitirang walong koponan sa second round eliminations kung saan may siguradong tig- apat silang laban.
Ang mga koponang may pinakamaraming naipanalo, makararating sa una at ikalawang pwesto, at otomatikong aakyat sa semi-finals.
Ang numbers 3,4,5 at 6 ang maglalaban sa quarter-finals at ang team numbers 7 at 8 ay magpapaalam na sa liga.
Round robin ang sistema sa quarter-finals kung saan ang dalawang team na may pinakamaraming maipapanalo sa tatlong laban ang aabante sa semi-finals habang ang numbers 3 at 4 ay mae-eliminate.
Sa semis, best of three series na ang proseso kung saan lalabanan ng number one team ang pangalawang may pinakamaraming panalo sa quarter-finals at ang number 2 team naman, haharapin ng koponang may pinakamaraming panalo sa quarter-finals.
Ang dalawang may pinakamaraming panalo ang magtutuos sa best of three series sa finals.
“Pitong buwan tatakbo ang torneo kung saan aabangan natin sa marso sino ang dalawang koponan ang magtutuos para sa kampyonato at mag uuwi ng Apat na Milyong Piso na pa premyo.”
(Bernard Dadis | UNTV News)