Hindi pagbabawalan ng Armed Forces of the Philippines ang sinumang miyembro ng Lesbian Gay Bisexual at Transgender o LGBT community na pumasok sa kanilang hanay.
Ito ay matapos magpahayag si Bataan1st District Representative Geraldine Roman na nais niyang maging kauna-unahang transgender AFP Reserve Officer.
Subalit nilinaw ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Edgard Arevalo na ang kasarian o gender na nakasulat sa birth certificate ang kanilang pagbabatayan sa kung anong uniporme ang ipasusuot sa isang LGBT.
Paliwanag din ng opisyal, kung lalaki ang kasarian sa birth certificate, dapat ay panlalaki ang kasuutan at maging ang gupit ng buhok nito.
Binigyang diin rin ni Arevalo na dapat mapanatili ng isang transgender ang mataas na respeto at karangalan ng sandatahang lakas bilang isang insitutusyon, kung kaya dapat nilang maintindihan na mahalaga ang disiplina, kaayusan at pagpapahalaga sa serbisyo sa loob ng AFP.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi nila papayagan ang anumang uri ng diskriminasyon sa LGBT members.
(Bryan De Paz / UNTV Correspondent)