AFP at PNP tiniyak na walang tangkang kudeta laban sa Duterte administration

by Erika Endraca | July 4, 2019 (Thursday) | 20354

MANILA, Philippines – Muling nagbigay ng garantiya ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na mananatiling tapat ang mga tauhan ng militar sa bandila, saligang batas at sambayanang pilipino.

Kaya walang mangyayaring kudeta o pagpapabagsak kay Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon kay Afp Spokesperson Edgard Arevalo, itinuturing lamang nitong random statement ang binitiwang pahayag ng pangulo sa pagdiriwang ng ika-172 anibersaryo ng Philippine Airforce sa Pasay City.

Nakiusap ang punong ehekutibo sa militar at pulisya na huwag magkudeta sa ilalim ng kaniyang termino. Muling nabuksan ng pangulo ang isyu dahil sa matinding suliranin aniya ng katiwalian sa gobyerno.

“Because I know that the armed forces and the police will have to decide one day somehow. Do not do it please during my term. I told you before all you have to do kung ayaw ninyo ako, do not bring your weapons and mechanized armors there. Just call me and we’ll have coffee and i am ready to say, it’s yours for the taking.” Ani Pangulong rodrigo Duterte.

Dagdag pa ni Arevalo, natanggap ng mga sundalo ang higit sa ina-asahan mula sa pangulo at Commander-In-Chief na mga repormang ipinatupad sa afp kabilang na ang modernization program, mas mataas na sahod, allowances, at benefits tulad ng mga pabahay.

Samantala, patuloy namang nangangako si Pangulong Duterte sa militar na titiyakin niyang maipagkakaloob sa ilalim ng kaniyang administrasyon ang horizon 2 modernization program ng afp.

“And during my time, i have never said “no” to any of the commanders and to delfin lorenzana at kay secretary esperon. All the things that they wanted for our armed forces pati ang pulis.Gusto ko lang kumpletuhin ‘yan baka ang susunod sa akin would not be a fellow of like-minded. Kanya-kanya ang tao eh. He might have other priorities.”ani Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala kinilala rin ng punong ehekutibo ang ginagawang pagbabantay ng militar upang mapangalagaan ang ating teritoryo sa West Philippine Sea, Philippine Rise at malampaya gas plant sa Palawan.

Sa isang panayam sinabi naman ni Pnp Chief Oscar Albayalde na walang plano ang pambansang pulisya na mag aklas at alisin sa pwesto ang pangulo.

(Rosalie Coz | Untv News)

Tags: , , ,