AFP at PNP sa Eastern Mindanao, tiniyak na nananatiling apolitical sa gitna ng ingay sa pulitika sa bansa

by Radyo La Verdad | September 12, 2018 (Wednesday) | 2504

Nanindigan ang Police Regional Office XI at Armed Forces of the Philippines Eastern Mindanao na walang pulis at sundalo sa kanilang nasasakupan ang kabahagi sa anomang planong pagpapabagsak sa administrasyon.

Kaugnay ito ng balita na may mga dismayadong opisyal ng militar ang kabilang sa mga grupong nagpaplano na patalsikin ang Pangulo sa susunod na buwan.

Ayon kay Luietenant Colonel Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command, wala silang sinusuportahang political activity sa rehiyon.

Pero ayon kay Balagtey, patuloy ang kanilang monitoring sa mga sundalo kung may nakikiisa sa anomang planong destabilisasyon laban sa administrasyon.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may nangyayaring sabwatan umano sa pagitan ng Communist Party of the Philippines (CPP), Liberal Party (LP) at si Senator Antonio Trillanes IV para mapaalis siya sa pwesto.

Samantala, hindi naman ipinagwawawalang bahala ng pambansang pulisya ang balitang planong pagpapatalsik sa pwesto kay Pangulong Duterte ngayong Oktubre.

 

( Janice Ingente / UNTV Correspondent )

Tags: , ,