AFP at PNP, nanindigan na hindi sinalakay ang kampo ng NPA sa North Cotabato

by Radyo La Verdad | January 25, 2017 (Wednesday) | 1385

VICTOR_NANINDIGAN
Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police na isang law enforcement operation ang naganap sa Makilala, North Cotabato na ikinasawi ng isang miyembro ng New People’s Army.

Taliwas ito sa alegasyon na nilusob umano ng pwersa ng pamahalaan ang isa sa kampo ng mga rebelde na paglabag sa idineklarang unilateral ceasefire ng pamahalaan.

Ayon sa pulisya at militar, nirespondehan lamang nila ang ulat na may nagpaputok ng baril at nang aagaw ng susi ng truck ng isang kumpanya noong January 20 ngunit nauwi sa engkwentro ang paghahabol nila sa mga salarin.

Patay sa palitan ng putok si Rojit Ranara na napag-alamang miyembro ng NPA batay sa mga dokumentong nakuha sa kaniya at sa salaysay ng mismong kapatid nito.

Narekober din ang mga otoridad sa area ang 3 high powered firearms, 3 improvised explosive device, 15 backpacks, iba’t ibang dokumento at mga extortion letters na pirmado ng isang Ricardo Ferniza, tagapagsalita ng guerilla 51 ng Davao del Sur – North Cotabato Operation Command ng NPA.

Nanindigan naman ang sandatahang lakas na hindi sila lumabag sa unilateral ceasefire na idineklara ng pamahalaan kaugnay ng nagpapatuloy sa usapang pangkapayapaan sa komunistang grupo.

Samantala mariin ding itinanggi ng militar na walo sa kanilang mga kasamahan ang nasawi sa bakbakan at sinabing posibleng palabas lamang ito ng mga rebelde upang palakasin ang loob ng kanilang mga kasamahan.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga otoridad sa 3 pang kasamahan ng napatay na rebelde na nangharass sa truck driver.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,